“Parang mali ito. Ang gobyerno ay nandiyan para sa lahat. Kung ang tao ay may karapatan sa ayuda dahil naghihirap sila, dapat lahat ng tao meron.”

Ito ang binigyang-din ni Sonny Africa, IBON Foundation executive director, matapos i-anunsyo ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Lunes, Pebrero 20, na itinaas ng senado sa ₱50,000 ang dating ₱12,200 inflation assistance para sa kanilang mga empleyado.

BASAHIN: Inflation assistance para sa mga empleyado sa senado, itinaas sa ₱50,000

Sa panayam ng Teleradyo, ibinahagi ni Africa na nararapat lamang na gawing para sa lahat pagbibigay ng benepisyo at hindi lamang pinipili ng gobyerno.

“Ang gobyerno ay nandiyan para sa lahat,” ani Africa. “Kung ang tao ay may karapatan sa ayuda dahil naghihirap sila, dapat lahat ng tao meron, malapit sa kusina o hindi, may kilalang pulitiko na senador, congressman, mayor, governor o wala, dapat, lahat pantay-pantay. Kapag nangangailangan, mabibigyan ng tulong. ‘Yan ang sinasabing human rights-based approach.”

“Kasi at the same time na pinalaki nila ‘yung budget nila sa kanilang sarili, binawasan naman ang budget para sa ayuda. Even sa flagship program na 4Ps, kinaltasan nang mahigit P4 billion, nabawasan actually ang benepisyong ibibigay don sa mahihirap," dagdag nito.

Ayon pa kay Africa, nagulat daw sila hindi lamang sa laki ng nasabing dagdag sa inflation assistance na ipinagkaloob sa mga empleyado sa senado kundi sa kung paano ito inanunsyo ng senador.

“Parang may halong yabang. Ewan ko, medyo upsetting ‘yung naganap na ‘yun," aniya.

Sinabi rin ni Africa na hindi naman masama na makakuha ng benepisyo ang mga kawani, kundi huwag naman daw sanang gawin lang ang pamimigay kapag naisipan ng gobyerno.

"Ang pinaka-unsettling sa naganap na announcement na 'yan, hindi yung sa makakakuha ng benepisyo ‘yung mga kawani - na chances are deserved naman nila yan - kundi kinakailangang ganun ba? Na nasa wisyo lang ng nasa poder, ay magbibigay ako kapag gusto ko, kung hindi, hindi ako magbibigay,” ani Africa.

Kasabay nito ay binanggit din ni Africa na batay sa pag-aaral ng IBON, dapat na nasa ₱1,161 na ang family living wage para sa pamilya ng lima. Ito ay dahil umano sa grabeng pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong Enero na siyang lalong nagpahirap sa mga ordinaryong mamamayan.