Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga mamamayan nitong Miyerkules na muling suportahan ang “No Meat Friday” campaign ng simbahan.

Ang panawagan ay ginawa ni Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops' Conference Philippines—Episcopal Office on Stewardship, bunsod ng pagdaraos ng Ash Wednesday na siyang hudyat nang pagsisimula na ng panahon ng Kuwaresma o Lenten season ngayong taon.

Ayon sa Obispo, magandang isulong at isabuhay ng bawat mananampalataya ngayong Kuwaresma ang pag-iwas sa pagkain ng mga karne tuwing Biyernes na bahagi na rin ng pag-aayuno at pangingilin.

"Alam nating masarap'yung karne at gusto nating kumakain nito. Pero ito ang paraan ng pagpe-penitensya natin na huwag kumain ng karne tuwing Biyernes bilang pag-alaala sa pagpapakasakit at paghihirap ng ating Panginoon," pahayag ni Bihshop Pabillo sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ipinaliwanag ni Pabillo na ang pagkain ng karne o pagkaing may mukha ay napatunayan na ng mga eksperto na pangunahing pinagmumulan ng iba't ibang karamdaman sa katawan.

Dagdag pa ng Obispo, makakatulong din ang “No Meat Friday” campaign sa pagsusulong ng adbokasiya ng simbahan laban sa epekto ng climate change.

Tinukoy pa ni Pabillo ang pag-aaral ng mga eksperto na ang animal agriculture ay nangungunang dahilan ng greenhouse gases na nakakaapekto sa pagtaas ng temperatura ng daigdig.

Nanawagan rin siya sa lahat na sikapin at simulang isabuhay ang pagkain ng prutas at gulay na bukod sa masustansiya sa katawan ay makatutulong din sa pagpapabuti at pangangalaga sa inang kalikasan.

"Mas makabubuti sa ating mga sarili ang pagkain ng mga prutas at gulay dahil maraming makukuhang sustansiya at bitamina rito para mas maging malakas ang ating katawan. Kaya sana suportahan natin itong No Meat Friday campaign hindi lang tuwing Kuwaresma kun'di mas magandang isabuhay na natin ito," panawagan pa niya.

Ang No Meat Friday ay tradisyong sinusunod ng mga Katoliko tuwing panahon ng Kuwaresma bilang bahagi ng pag-aayuno at pangingilin.

Pinaigting ito ng Radio Veritas noong 2011 upang isulong ang pangangalaga sa kalusugan ng tao, at kalikasan mula sa epekto ng climate change.