Para sa award-winning screenwriter na si Jerry Gracio, hindi na dapat ikinagulat pa ng marami ang kinalabasan na kontrobersyal na materyal ng online personality na si Toni Fowler lalo pa’t talamak aniya ang libreng akses ng porn sites sa bansa.
Ito ang reaksyon ng batikang manunulat at dating ABS-CBN head writer kasunod ng malawakang pambabatikos na tinamasa ng online personality sa isang content sa YouTube kamakailan.
“With easy access to Pornhub & other porn sites, masa-shock pa ba tayo kay Toni Fowler? O nagkukunwari na lang tayo na nasa-shock at nagbubulag-bulagan gayong alam naman natin na may easy access ang mga bagets sa Youjizz, di tulad dati na kailangan pa nating hanapin, paghirapan, at itago nang maigi ang mga kopya natin ng Playboy, Tiktik, at Sagad?” mababasa sa pahayag ng manunulat sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Pebrero 21.
Matatandaang ilang netizens ang naalarma sa naturang materyal na anila’y maaaring makonsumo ng mga batang babad pa naman sa social media, partiklar na sa YouTube, kahit sa murang edad.
Nauna nang bumuwelta ang kontrobersyal na internet personality kasunod ng natanggap na pambabatikos.
Basahin: ‘Wag n’yo panoorin!’ Toni Fowler, rumesbak sa mga ‘nalalaswaan’ sa music video niya – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid“’PAG AYAAAAAW NYO WAG NYO PANOORIN PAKASIMPLE,” aniya.
““May age restriction kasi hindi para sa mga bata kaya pls stop telling me pano pag napanood to ng mga kabataan. Kasalanan ko pa ba yon?” dagdag niya pa sa hiwalay na Facebook post.
Para naman sa bahagi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), pinabulaanan na nito ang naunang ulat na dumaan umano sa kanila ang materyal.
Pagpupunto pa nila, kung nakarating sa kanilang inspeksyon ang MV ay sigurado umanong hindi masisilayan ng publiko ang kontrobersyal na video.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 6 million views na ang inani ng YouTube content.