Tinatayang nasa P1.4 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nasabat ng mga pulis mula sa dalawang lalaki sa Maynila nitong Miyerkules, Pebrero 22.

Ayon sa Manila Police District (MPD), kinilala ang mga suspek na sina Johndreyl Jadocana Binggoy, 31, truck driver, at Sixto Gorembalem Barrage, 40, truck helper, kapwa residente ng Urdaneta City, Pangasinan.

Sinabi ng pulisya na unang natiktikan ng mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTBP) ang mga suspek, na sakay ng closed van, dahil sa reckless driving, pagwawalang-bahala sa mga traffic officers at hindi pagsusuot ng seatbelt.

Sa halip na huminto, humarurot ang closed van ngunit nakorner ito sa Capulong St. sa Tondo, Maynila, at dinala sa MTPB Central Impounding Area.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa inspeksyon, nakuha ng mga pulis sa loob ng van ang 18 kahon ng pekeng sigarilyo na tinatayang nasa P1,440,000 ang halaga.

Kinumpirma rin ng mga awtoridad na peke ang mga sigarilyo sa tulong ng isang kinatawan ng isang tobacco company.

Kakasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa R.A. 7394 (Consumer Act of the Philippines) at Section 168 ng R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).

Jaleen Ramos