Patay ang isang ina at dalawa niyang mga anak nang ma-trap sila sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Pasay City noong Martes, Pebrero 21.
Kinilala ang mga biktima na sina Mary Ann Maglinaw, 29, at ang kanyang dalawang anak na sina Xzavion Rivas, 2, at Evzekhion Rivas, 5.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire and Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-9:50 ng umaga sa bahay ng mga biktima na matatagpuan sa Barangay 117, Malibay, Pasay City.
Sinabi ng BFP na umabot sa unang alarma ang sunog at idineklarang fire out bandang 10:16 a.m.
Sinabi rin nila na ang nasunog na bahay na gawa sa light materials ay inookupahan ng anim na pamilya.
Agad namang binisita ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang lugar upang alamin ang kalagayan at mabigyan ng tulong ang mga nasunugan at para madamay ang pamilya ng mga biktima.
Inutusan niya ang City Social Welfare and Development Office na ipamahagi ang mga relief goods, folding beds, banig, tuwalya, groceries, at hygiene kits sa mga nasunugan na naghahanap ng pansamantala sa covered court.
Sinabi ng alkalde na mamimigay din ang pamahalaang lungsod ng tulong pinansyal sa biktima at burial assistance sa tatlong nasunugan.
“Sa mga panahon ng trahedyang ganito, laging bukas-palad ang ating pamahalaan upang kayo ay tulungan. Ako po ay nakikiramay sa mga namatayan at sa mga naapektuhan ng trahedyang ito. Makakaasa po kayo na ako at ang buong pamahalaan ng ating lungsod ay tutulong sa abot ng aming makakaya,” ani Rubiano.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi at tinatayang pinsala sa ari-arian na dulot ng sunog.
Jean Fernando