Laugh trip ang walang kaabug-abog na sagot ng isang male pageant contestant sa isang final question and answer round.
Sa Facebook video na in-upload ni Lorenzo Benetiz nitong Lunes, Peb. 20, ang halos dalawang minutong video ay tumabo na ng mahigit 270,000 reactions, 17,000 comments at mahigit 4.8 million views sa pag-uulat.
“Kailan nagiging tama ang mali, at kailan nagiging mali ang tama?” pagtanong ng host sa nakilalang Lakan #9 sa hindi pa malamang pageant.
Bago nito, inamin ng naturang contestant na unang beses niyang makapasok sa final round bagaman pangalawang beses nang napasabak sa pageant.
Sunod na kumpiyansang sinagot nito ang tanong.
“Para sa akin po ang tama at mali ay magkasalungat. ‘Yung tama po ay palaging mga babae ta’s ang mali po ay lagging mga lalaki. ‘Yun lamang po!” anang contestant at naiwang speechless na lang ang host.
Kinagiliwan at naghatid ng good vibes ang tanong online dahilan nga ng viral video kung saan makikitang kaniya-kaniyang tag ang ilang kababaihan sa kanilang mga kasintahan sa comment section.
“Straight to the point champion na!” sey ng isang netizen.
“Nakakaiyak yung tapang ng sagot ni kuya. Mabuhay ka po,” segunda ng isa pa.
“Natahimik yung emcee. Kung di ‘to nanalo, ****** nyo po.. yun ang tamang sagot!”
“Kapag yan natalo babae judge hahaha”
“Sadyang tunay!”
Inaalam pa ng Balita kung saang pageant, kailan ito naganap at kung ito ang male contestant sa viral video.