Ipinagdiwang ng Manila Police District (MPD) nitong Martes ang kanilang ika-122 founding anniversary.
Ang naturang pagdiriwang, na idinaos sa MPD headquarters, na matatagpuan sa United Nations Avenue, sa Ermita, Manila ay pinangunahan ni MPD Director PBGEN Andre Dizon, habang naging panauhing pandangal naman sina Manila Mayor Honey Lacuna at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr..
Isa sa mga naging highlight ng aktibidad ang wreath-laying ceremony, na pinangunahan ni Lacuna, kasama ang dalawang heneral, na sinundan pa ng 21-gun salute.
Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki naman ng alkalde ang MPD dahil sa paninindigan nito sa kanilang reputasyon bilang nangungunang distrito ng pulisya sa bansa.
Pinuri rin at pinasalamatan ng alkalde ang liderato ni PBGen. Dizon, at ang mga tauhan ng MPD, na siya aniyang dahilan kung bakit nakakatulog ng mahimbing at ligtas tuwing gabi ang mga Manilenyo.
"Taos pusong pagbati sa ating maipagmamalaking Manila’s Finest. Saludo tayo sa buong pwersa ng mga pulis-Maynila!," ayon pa kay Lacuna.
Kaugnay nito, tiniyak ring muli ni Lacuna na walang puwang sa Maynila ang mga ilegal na gawain, gaya nang ilegal na droga na bumibiktima at sumisira ng buhay at pamilya.
Pinuri pa niya ang matagumpay at maayos na pagdaraos ng mga malalaking selebrasyon sa lungsod, kabilang na ang Pasko, Bagong Taon, Pista ng Itim na Nazareno at ng Sto. Niño, gayundin ang Chinese New Year.
Paniniguro pa niya, buo ang suporta ng Manila City government sa MPD, na malaki ang papel na ginagampahanan sa pagpapanatiling ligtas ang buong lungsod laban sa lahat ng uri ng krimen.