Sa pagsisimula na ng panahon ng Kuwaresma, nananawagan ang mga opisyal ng Office on Stewardship ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katoliko na paigtingin pa ang kanilang buhay panalangin.

Ang apela ay ginawa ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo kasunod nang pagsisimula na ng Panahon ng Kuwaresma ngayong Miyerkules, Pebrero 22, Ash Wednesday o Miyerkules de Ceniza.

Ayon sa obispo, nararapat na maging bukas ang tao sa presensya ng Panginoon sa pananalangin na bukod tanging paraan sa pakikipag-ugnayan.

“Mas magbigay ng panahon para sa dasal upang pagnilayan ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus,” mensahe ni Bishop Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinukoy rin ni Pabillo ang pagbabasa ng Bibliya, pag-awit ng Pasyon at pagdarasal sa Daan ng Krus ang ilan sa mga dasal na maaaring gawin ng tao sa 40 araw na paghahanda.

Binigyang-diin pa niya na bahagi ng penitensyang gagawin ang pag-iwas sa nakaugaliang gawain tulad ng labis na paggamit ng cellphone at social media, panunuod ng telebisyon, at iba pang gawain na naging hadlang sa buhay espiritwal ng tao.

Hinimok din niya ang mga mananampalataya na mag-ayuno at magkawanggawa sa kapwa bilang pakikiisa sa pamayanang kristiyano sa mahalagang pagdiriwang.

“Sa pagpepenitensya natin, sana makinabang din ang iba. Kaya sa pag-aayuno ngayong araw, magbigay tayo sa FAST TO FEED,” ani Pabillo.

Ang Fast to Feed ng Hapag-Asa ay gawain ng simbahang nagpapakain lalo na sa malnourished na kabataan sa bansa na ayon sa UNICEF ay nasa 33 porsyento sa kabuuang bilang ng mga kabataan.

Bukod pa rito ang Alay Kapwa kung saan naglilikom ng pondo ang simbahan para sa mga mamamayang maapektuhan ng iba't ibang uri ng kalamidad.