Patuloy na makararanas ng pag-ulan at thunderstorms ang malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Pebrero 21, dahil sa low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, namataan kaninang 3:00 ng madaling araw ang LPA sa layong 340 kilometro sa silangan hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora o 345 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

“This weather disturbance is less likely to develop into a tropical depression,” anang PAGASA.

Maghahatid ang LPA ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Samantala, magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands dahil naman sa amihan.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa maaaring maging pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng LPA o ng localized thunderstorms.

Posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar naturang lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.

Samantala, makarararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region dahil sa amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.