Inilabas ng Social Weather Station (SWS) nitong Martes, Pebrero 21, na tinatayang 69% ng mga Katolikong Pilipino na nasa tamang edad ang nagdarasal araw-araw, habang 38% ang nagsisimba linggo-linggo.
Sa survey ng SWS sa 79% mga Katolikong respondente, lumabas umano na 34% ng mga Katoliko ang nagdarasal isang beses sa isang araw, habang 35% naman ang higit pa sa isang beses kada araw.
Samantala, 10% umano ang nananalangin maraming beses sa isang linggo, habang 6% ang isang beses sa isang linggo.
Nasa 4% naman daw ang nagdarasal dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan; mga 4% ang isa kada buwan; 2% ang halos isa sa isang linggo; at kapwa 1% para sa mga nagdarasal maraming beses sa isang taon, isa hanggang dalawa kada taon, mas mababa sa isa kada taon, at hindi nagdarasal kailanman.
Ibinahagi rin ng survey ng SWS na 38% ng mga Katolikong Pinoy ang nagsisimba isa o higit pang beses sa isang linggo.
Nasa 24% naman ang dalawa o higit pa sa isang buwan; 20% ang isang beses sa isang buwan; 9% ang dalawang hanggang 11 beses kada taon; 7% ang isang beses sa isang taon, habang 3% umano ang hindi nagsisimba.
Samantala, 93% daw sa mga nagsisimba ay personal na pumupunta sa simbahan para lumahok sa misa; 3% ang nagsisimba sa pamamagitan ng panonood ng misa sa telebisyon o online, habang 2% naman ang minsang personal na nagpupunta sa simbahan at minsang nakikimisa sa pamamagitan ng telebisyon o online.
Isinagawa ang nasabing survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas. May sample error margin itong ±2.8%.