Binigyang-diin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Pebrero 20, na hindi yuyuko ang gobyerno ng Pilipinas sa umano’y political agenda ng International Criminal Court (ICC) sa nais na pag-iimbestiga nito sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa DOJ, ibinahagi ni Remulla na mayroong political agenda ang nais ng ICC na imbestigahan kung mayroon bang nilabag sa karapatang pantao ang nangyaring drug war sa bansa.

“Even though it is a court that tries crimes, the ICC is a political body in many ways,” ani Remulla.

“It is not just a body for justice but it is meant to forward a political agenda for many people. Why do I say this? Because we are a country with a legal system that can function by itself and they want to take over some of our functions just to criticize the way we run our country before,” dagdag niya.

National

Sen. Go sa pag-imbestiga ng ICC sa drug war sa PH: “May sarili naman tayong batas”

Wala rin umanong mekanismo ang ICC na maaari silang mag-operate sa bansa.

“If they want to put into themselves the judicial powers of this country then they will be

committing a violation of our legal system. Just a fair warning: do not monkey around with our legal system,” saad ni Remulla.

Sinabi rin ni Remulla na wala siyang nakikitang mali sa ipinasang resolusyon ni House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na naglalayong depensahan si Duterte sa pag-iimbestiga ng ICC sa drug war.

Matatandaang nitong Enero ay pinayagan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ng ICC Prosecutor’s Office na buksan muli ang imbestigasyon sa posibleng paglabag ng karapatang pantao ng war on drugs sa bansa.

Kasapi ang Pilipinas ng Rome Statute, na siyang bumuo ng ICC, mula pa noong Nobyembre 1, 2011. Napawalang-bisa lamang ang membership nito noong Marso 17, 2019 matapos magpadala ang bansa sa ICC ng written withdrawal notice noong Marso 17, 2018, sa instruksyon ng dating Pangulong Duterte.