Dalawang lucky bettors mula sa Iloilo City at Pateros ang kumubra na rin ng kanilang napanalunang jackpot prize sa lotto.

Sa abiso ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, nabatid na nagtungo ang dalawang lucky bettors sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City, noong Pebrero 6, upang kumubra ng kanilang premyo.

Anang PCSO, ang unang claimant ay isang 42-anyos na lalaki, na residente ng Iloilo City.

Siya ang nagwagi sa Ultra Lotto 6/58 jackpot prize na P49.5 milyon na may winning combination na 24-39-31-19-42-13, at binola noong Enero 20.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Aniya, madalang lang siyang maglaro ng lotto, at nagsimula lamang tayaan ang naturang winning combination noong nakaraang buwan.

“Kung para sa'yo, mapupunta sa’yo. Madalang ako tumaya sa lotto. Madalas, yung asawa ko naman yung tumataya. Pero hindi ko akalain na sa loob lamang ng isang buwan na pag-aalaga ko sa mga numerong yun tatama. Hirap kami sa buhay kaya nagpapasalamat ako sa PCSO dahil dito," aniya.

Samantala, ang second claimant ay isang 72-anyos na retiradong manggagawa mula sa Pateros, Metro Manila.

Siya ang nagwagi sa Lotto 6/42 jackpot prize na P25.4 milyon, na may winning combination na 31-41-29-25-20-08, at binola noong Enero 31.

Anang lucky winner, 25 taon na siyang parokyano ng lotto at ang tinayaan niyang numero, na naghatid sa kanya ng suwerte, ay lucky pick lamang.

“Madalas, three to four digits ang ang tinatamaan ko. Noon pa man, naniniwala talaga ako na may nananalo at alam ko rin na nakakatulong sa kapwa ang parte ng sales mula sa taya namin o ng publiko. Ngayon, sobra ang pasasalamat ko sa Panginoon at gayundin sa PCSO dahil sa edad kong ito ay nabigyan pa rin ako ng tsansa na mabago ang buhay," aniya.

Dagdag pa niya, plano niyang gamitin ang napanalunan sa pagpapagawa ng kanilang bahay. 

“Unang-una, ipagpapagawa o ipapaayos namin ng bahay. Pangalawa, magnenegosyo at yung iba ilalagak muna sa bangko."

Kapwa naman umapela ang mga lotto winners na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, para magkaroon din sila ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo.