Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Pebrero 20, ang mga ahensya ng gobyerno na tulungan siyang isakatuparan ang pangako niyang pagandahin ang economic condition ng mga ordinaryong Pilipino, dahil sayang lang umano ang pag-unlad ng ekonomiya kung hindi ito mararamdaman ng taong-bayan.

Sinabi ito ni Marcos sa ginanap na oath-taking ceremony ng mga opisyal ng National Amnesty Commission (NAM), National Anti-Poverty Commission (NAPC), Marawi Compensation Board (MCB), at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU), sa Malacañang.

“Palagi kong sinasabi na marami tayong pinaplano na maganda para sa ekonomiya ng Pilipinas,” anang pangulo.

“Sabihin na natin gumanda nang husto ang ekonomiya ng Pilipinas, hindi naman bumababa at hindi naman nararamdaman ng taong-bayan eh sayang lang ang ating naging trabaho. Iilan lang ang yumayaman,” dagdag niya.

National

PBBM sa WPS: 'Ito ay hindi kathang isip lamang, ito ay atin!'

Samantala, tiniyak din ni Marcos sa mga nasabing ahensya kung gaano kahalaga ang kanilang mga tungkulin sa bansa.

“We know how important your work is. That is why it is very, very important that you understand that we must work together because we are here willing, and we are here to support all the advocacies that your agencies represent. And that is our end of this bargain,” saad ni Marcos.

“We are very confident in the performance that you will show. I look forward to hearing from you as you get to settle into your jobs.”

Pagdating naman sa kondisyon ng Marawi City, sinabi ni Marcos na hindi maaaring madaliin ang proseso ng rehabilitasyon, ngunit kailangan na raw talaga itong simulan dahil marami ang naghihintay at nagnanais nang makauwi sa kanilang mga tahanan.

“Panahon na siguro, na pagkakataon na gawin natin ang lahat, may makita man lang na pagbabago, may progress. Para naman may maaasahan ang mga residents ng Marawi,” ani Marcos.