Isang pastor sa bansang Mozambique ang nasawi matapos umanong subukang mag-ayuno ng 40 na araw, tulad ng nakasulat sa Bibliya na ginawa ni Hesu Kristo.
Sa ulat ng BBC News, binawian daw ng buhay si Francisco Barajah, founder ng Santa Trindade Evangelical Church, matapos ang 25 araw na walang pagkain at tubig.
Habang nag-aayuno, nagsimula umanong mamayat ang 39-anyos na pastor hanggang sa puntong hindi na siya makatayo. Kritikal na raw ang kaniyang kondisyon nang itakbo siya ng kaniyang mga kamag-anak at mga tagasunod sa isang ospital sa lungsod ng Beira, kung saan siya binawian ng buhay noong Pebrero 15.
Na-diagnose umano si Barajah ng acute anaemia at failure sa kaniyang digestive organs.
Bagama’t pinatotohanang nag-ayuno nga ang pastor, tinutulan naman umano ng kapatid nito ang medical diagnosis sa pagkamatay ni Barajah.
"The truth is that my brother suffered from low blood pressure," saad nito.
Bukod sa pagiging pastor ay isa rin umanong French teacher si Baraja sa lungsod ng Messica sa Manica, Mozambique.
Sinabi naman ng mga miyembro ng Santa Trindade Church na pangkaraniwan na ang pag-aayuno sa kanilang simbahan, ngunit hindi raw ganoon katagal sa ginawa ng kanilang pastor.
Inulat din ng BBC News na hindi ito ang unang napabalitang namatay dahil sa pagtatangkang gayahin ang nakasaad sa Bibliya na pag-aayuno ni Kristo sa loob ng 40 araw.
Noong 2015, isang lalaki sa Zimbabwe ang napabalitang namatay matapos ang 30 araw ng pag-aayuno, habang isang babae naman umano sa London ang nasawi sa kalagitnaan ng kaniyang pag-aayuno noong 2006.