Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na nakitaan ng bahagyang pagtaas ang 7-day Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) ngunit ‘negligible’ pa rin naman ito.
Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na mula sa dating 1.6% na positivity rate ng rehiyon noong Pebrero 11, 2023 ay tumaas ng bahagya at naging 1.7% pa ito noong Pebrero 18, 2023.
“NCR Positivity rate had a negligible increase in 7-day positivity rate, from 1.6% (Feb 11 2023) to 1.7% (Feb 18, 2023),” tweet pa ni David.
Samantala, tiniyak naman ni David na nananatili pa ring low o mas mababa sa 5% ang positivity rates sa NCR at iba pang pangunahing lalawigan sa bansa.
“The positivity rates in NCR and other major provinces remained LOW at less than 5%,” aniya.
Bukod sa NCR, kabilang sa mga naturang pangunahing lalawigan na nananatiling nasa below 5% ang positivity rates ay ang Batangas City na mula 1.1% noong Pebrero 11 ay naging 0.7% noong Pebrero 18, 2023; Bulacan na mula 0.8% ay naging 0.7%; Cavite na mula 1.6% ay naging 1.4%; Cebu na mula 0.8% ay naging 1.4%; Davao del Sur na mula 2.8% ay naging 3.8%; Iloilo na mula 0.5% ay naging 1.0%; Laguna na mula 1.9% ay naging 1.1%; Negros Occidental na mula 1.6% ay naging 1.8%; Pampanga na mula 1.5% ay naging 0.7% at Pangasinan na mula 0.8% ay naging 0.9%. Mary Ann Santiago