Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga empleyado ng Manila City government na huwag nang magpatumpik-tumpik at mag-avail na ng unit sa housing projects ng ng pamahalaang lungsod.
Sa kanyang mensahe sa flagraising ceremony nitong Lunes, sinabi ni Lacuna na patuloy ang city government sa pagsisikap na mabigyan ang mga Manilenyo ng bahay na maituturing nila bilang sariling pag-aari.
"Patuloy tayong nagsusumikap na ayusin ang mga pabahay sa Tondo, Baseco at Binondo and soon, matatapos na ang ating mga pabahay kung saan ang makikinabang ay ang mga empleyado," ayon pa sa alkalde.
"Kaya abangan po ninyo, dun po sa mga nais na magkaroon ng pabahay na mga empleyado ng pamahalaang-lungsod, makipag-ugnayan lamang po kayo sa urban settlements office, 'yan po ay sa San Lazaro, San Sebastian at Pedro Gil. 'Wag na kayo magpatumpik-tumpik pa," dagdag pa ni Lacuna.
Sinabi ng lady mayor na ang kagandahan pa nito, ang sistema sa city government's housing projects ay para lamang naghuhulog ng kanilang savings sa bangko ang mga beneficiaries.
"Ang kagandahan ng pabahay natin ay parang iniipon lang ang buwanang bayad dahil pagdating ng panahon, kung gusto ninyong lisanin ay maibabalik sa inyo 'yung buwanang ibinabayad ninyo. At ang kagahdahan pa, napakababa ng buwanang bigay ninyo, kundi ako nagkakamali, pinakamataas na ay P3,000 kada buwan," sabi ni Lacuna.
Nabatid na ang halaga ng hulog ay napakababa lalo't ang uri ng housing projects na inaalok ng city government ng Maynila ay katulad ng mga first-class private condominium units sa bansa.
"Kaya nga po kayo na ang una kong sinasabihan nang sa ganoon ay kayo ang unang makinabang sa pinaghirapan po nating lahat," aniya pa.