Dalawang modernong pumper fire trucks ang tinanggap ng Marikina City government mula sa Department of the Interior and Local Government-Bureau of Fire Protection (DILG-BFP) nitong Lunes.

Mismong si Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang personal na tumanggap ng mga naturang 1000-gallon-capacity fire trucks, sa idinaos na turnover ceremony sa BFP National Headquarters sa Quezon City, na dinaluhan rin nina DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara, at BFP Chief Director Louie Puracan.

Laking pasalamat naman ni Mayor Teodoro sa DILG at BFP dahil sa mga naturang modernong fire trucks, dahil magiging malaking tulong aniya ang mga naturang firefighting vehicles para mapalakas ang fire fighting ability ng lungsod at sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko.

“Napakahalaga ng public safety, at sa tulong ng mga bagong fire truck na ito maitataas pa natin ang kapasidad ng bawat estasyon ng bumbero sa Marikina,” ani Mayor Teodoro.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Dahil sa dalawang bagong modernong pumper fire trucks, ang BFP-Marikina ay mayroon na ngayong pitong functional fire trucks.

Samantala, ayon naman kay Superintendent Nestor Gorio, fire marshal ng BFP-Marikina, ang mga Marikina-BFP personnel na mag-o-operate ng mga bagong fire trucks ay sasailalim muna sa pagsasanay.

Sa panig naman ni Mayor Marcy, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng malakas na kooperasyon sa pagitan ng local government at national government upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.

“Dapat complimentary ang gawin— the national and the local. Katulad nito, nagbigay ng fire trucks ang national, ika-capacitate natin ‘yung ating mga BFP personnel na naka-assign from the BFP in terms of training. Tapos, ‘yung mga estasyon nila, i-improve namin—‘yung setup nila,” aniya.

“Makikita natin na kapag magkatulong talaga ang national at local ay masisigurado natin ang public safety, mas mabibigay natin ang mga serbisyong kailangan ng ating mga mamamayan,” dagdag pa ng alkalde.

Bukod sa Marikina City, ilan pang local government units din mula sa iba't ibang rehiyon sa bansa ang tumanggap rin ng mga modernong fire trucks mula sa national government