“Tumaas ang inflation. Dapat itaas din natin ang assistance.”
Ito ang sinabi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Lunes, Pebrero 20, kasabay ng pag-anunsyo niyang itinaas ng senado sa ₱50,000 ang dating ₱12,200 inflation assistance para sa kanilang mga empleyado.
Sa pahayag ni Zubiri sa flag raising ceremony sa senado, ibinahagi niya na lahat ng 3,000 empleyado sa senado ay makatatanggap ng one-time inflationary assistance sa darating na Agosto ngayong taon.
“(This is) to help you all deal with your daily expenses, we have improved the inflationary adjustment assistance,” ani Zubiri.
Itinaas din ang medical assistance para sa kanilang mga empleyado mula ₱30,000 hanggang ₱50,000 na makukuha naman nila sa darating sa Setyembre.
Manggagaling umano sa savings ng senado ang gagamiting pondo para rito.
“Ginamit po namin ang savings kapag nagkakasavings kami sa Senado dinaragdagan namin ang incentives para sa mga empleyado namin,” ani Zubiri.
“Ang pakiusap ko nga kanina na sana we spend less on paper, we spend less on overtime para maibalik din sa mga empleyado itong savings na natatanggap namin in terms of incentives and bonuses para ganun ay napakaganda ng trabaho ng ating empleyado at nakikita n’yo naman, highly motivated sila,” dagdag niya.
Samantala, nagpahayag din si Zubiri ng suporta sa mungkahing itaas ang minimum wage sa bansa, lalo na sa private sector.
“The minimum wage is not necessarily a living wage. Ang living wage natin ngayon ay mataas sa minimum wage. Ibig ko pong sabihin bitin ang minimum wage sa ating mga manggagawa,” ani Zubiri.
“If you ask me everybody should share including the private sector so okay sa akin na itaas ang minimum wage ng ating mga kababayan at dapat itaas agad dahil medyo ang inflation ay tumataas na rin kaya kailangan tulungan natin ang ating mga kababayan,” dagdag niya.