Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na 99 sa 201 barangay sa lungsod ang idineklara nang drug-free.

Ginawa ni Rubiano ang anunsyo sa naganap na regular flag-raising ceremony Lunes, Peb. 20, sa quadrangle ng Pasay City Hall.

Aniya, ang pagdedeklara sa 99 na barangay bilang drug-free ay resulta ng kampanya ng pamahalaang lungsod laban sa pagkalat ng iligal na droga.

Nagpasalamat ang alkalde sa mga barangay chairman ng lungsod sa pagtulong sa pamahalaang lungsod sa paglaban nito sa iligal na droga.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ni Rubiano na tatlong barangay ang kinilala bilang “drug-free barangays” batay sa rekomendasyon ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC).

Idinagdag niya na ang mga bagong "drug-free barangay" ay ang mga Barangay 134 sa ilalim ni Chairman Noel Mariano, 20 sa ilalim ni Chairman Antonio Donaire, at 164 sa ilalim ni Chairman Robert Cruz.

Sinabi ng alkalde mula Mayo 19, 2018 hanggang Disyembre 14, 99 na mga barangay mula sa 201 ay idineklara na bilang “drug-free” ayon sa ginawang validation ng Regional Oversight Committee for Barangay Drug Clearing (ROCBDC) program.

Sinabi ni Rubiano na ang ROCBDC ay binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at ng pamahalaang lungsod.

Iniulat ng CADAC na nagsasagawa na ng validation para sa mga natitirang barangay na nagsisikap na masugpo ang pagkalat ng ilegal na droga sa kanilang mga lugar.

Samantala, pinuri naman ni Rubiano ang CADAC dahil sa mahusay na trabaho nito sa mga pagsusuri bawat barangay.

Pinuri rin niya ang Pasay City Police na pinamumunuan ni Col. Froilan Uy, mga opisyal ng barangay, at lahat ng residente ng lungsod sa pagtutulungan nila sa pagpuksa ng ilegal na droga sa lungsod.

"Hindi namin ito magagawa kung wala ang iyong tulong," ani Rubiano.

Jean Fernando