Sugatan ang may 27 katao, na kinabibilangan ng mga estudyanteng pawang girl scouts at ilang magulang at guro, nang mawalan ng preno at tumagilid ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney habang binabagtas ang isang pataas na bahagi ng kalsada sa Antipolo City nitong Sabado.

Ang mga biktima, na kagagaling lamang sa isang school event, ay pawang nagtamo ng sugat at bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kaagad namang naisugod sa Amang Rodriguez Hospital upang malapatan ng lunas.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, pasado alas-2:00 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Manseta, Brgy. Cupang, Antipolo City.

Minamaneho umano ni Joel Quinones, ang pampasaherong jeepney na may plakang TWJ-542, at binabagtas ang naturang lugar, nang pagsapit sa pataas na bahagi nito ay bigla na lang itong mawalan ng preno.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan na bumulusok pababa at tuluyang tumagilid, na nagresulta sa pagkakasugat ng mga sakay nito.

Sa kwento ni Quinones, bigla siyang napapreno matapos na salubungin ng isang motorsiklo sa pataas na bahagi ng kalsada.

Gayunman, hindi aniya kumagat ang preno ng jeep sanhi upang bumulusok ito pababa ng kalsada.

Kaagad namang nagtulong-tulong ang mga residente upang maisugod sa ospital ang mga nasugatan. Nabatid na pauwi na sana ang mga biktima mula sa isang Girls Scout event nang maganap ang aksidente.

Buong araw umano ang aktibidad ng mga bata nitong Sabado at may permit naman ito. Pawang insured rin ang mga bata na mga miyembro ng Girls Scout.

Napag-alamang wala namang plano ang mga magulang na magsampa ng kaso laban sa driver lalo na at aksidente anila ang pangyayari at wala namang malubhang nasugatan dito.

Kasama rin sa mga nasugatan sa aksidente ang anak ng driver na isang Grade 6 student na dumalo rin sa naturang pagtitipon.