Nagtataka maging ang TV personality na si K Brosas kung bakit hindi na makikita sa YouTube channel ni Toni Gonzaga ang kaniyang emosyonal na panayam noong 2021.
Ito nga ang isa sa mga highlight sa showbiz update ni Ogie Diaz kasama si Mama Loi at Mrena nitong Linggo, Peb. 19.
“Hindi natin alam baka hinide pero baka naman hindi rin natin nadaanan nung sinerach natin. Kasi sinearch natin noon. Oo nga, wala na nga daw ‘yung interview,” anang host.
Kung hahagilapin sa YouTube, hindi na nga makikita pa ang naturang panayam.
Ano ang dahilan? Pagtanong na ni Mrena.
“Hindi ko alam. Unang-una hindi ako si Toni Gonzaga, ako si Ogie Diaz. Hindi rin natin alam kung ano ‘yung dahilan nila bakit nila hinide o in-archive ‘yung interview ni Toni kay K. Brosas,” dagdag na sey ni Ogie.
Pagbabahagi pa ng talent manager, maging si K ay wala rin umanong ideya kung bakit nawala na lang nang walang abiso ang kaniyang panayam sa patok na “Toni Talks” ng Gonzaga.
“Kahit daw siya nagtataka kung bakit nawawala ang interview niya kay Toni eh dun daw siya humagulgol, dun daw siya bumigay talaga. Bakit daw nawala ‘yung interview,” dagdag na saad ni Ogie na aminado namang hindi nakuha ang panig ni Toni.
“Pwede naman kuya dahil iba ‘yung sinuportahan nila nung eleksyon,” pagsingit na ni Mena.
“Pwede rin naman na magkaiba yung political stand nila,” patuloy na sey ni Ogie na aniya’y marami nang parehong kaso ng hindi pagkakaunawaan dahil sa magkakaibang paniniwala sa politika.
Matatandaang si dating Vice President Leni Robredo ang manok ni K sa pagkapangulo noong May 2022 elections habang heavy supporter naman ng noo’y presidential candidate Bongbong Marcos si Gonzaga.
"Pero ito, hindi natin talaga alam kung ano ang rason kung bakit nawala ang interview ni Toni kay K. Brosa sa kaniyang YouTube channel,” pagpihit ni Ogie gayunpaman.
Dagdag ni Mama Loi, hindi rin malinaw kung kailan, “at what point” din nangyari ang lahat. Pag-intriga tuloy ng mga host -- may namumuo bang isyu ang dalawa?
Samantala, tila hindi naman big deal para kay K ang umano’y pagtanggal ng kaniyang panayam sa naturang video streaming platform.
“Sabi naman ni K, ‘Hayaan mo na. Baka may dahilan sila kung bakit nila hinide yung interview,’” pagtatapos ni Ogie.
Hangad naman ng talent manager na hindi pa lumaki ang isyu.
Wala pang reaksyon si Toni ukol dito.