Makararanas pa rin ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Pebrero 19, dulot ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, namataan kaninang 3:00 ng madaling araw ang LPA sa layong 195 kilometro sa hilagang-silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 160 kilometro sa silangan ng Tacloban City, Leyte.

“The probability of this weather disturbance to develop into tropical depression remains less likely,” anang PAGASA.

Makararanas ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Bicol Region, Quezon, Romblon, at Marinduque bunsod ng LPA.

Magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora dahil naman sa amihan.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Makarararanas naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dulot ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Samantala, magkakaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao at natitirang bahagi ng MIMAROPA dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.