Isang netizen ang nagbahagi ng hindi kaaya-ayang karanasan sa isa umanong “dugyot” na food app rider matapos nitong kunin ang paborito pa naman ng lahat na balat ng pritong manok sa isang patok na fast food restaurant.

Sa viral nang Facebook post ng isang Kathleen Magat kamakailan, dito naglabas ng pagkadismaya ang kustomer matapos umanong mabiktima ng hindi maayos na serbisyo ng isang rider na kaniyang inilarawang “Totoy” pa ang itsura.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Pag deliver saken ng order ko naka-bukas yung plastic tanggal na sa pag kaka-scotch tape, tinanggal din scotch tape ng chicken box kinuha yung balat ng isang chicken. Tapos kinurutan pa ibang manok, wala din yung french fries. Ok lng naman na wala yung fries, e kaso yung kuko, pano kung madumi pa tapos kinurot sa chicken ko, 🫡” mababasa sa hinaing ng netizen na bigong natanggap nag kaniyang order sa isang kilalang fast food restaurant.

Dagdag pa niya, hindi ito ang unang beses na naranasan niya ang parehong insidente at ngayon lang aniya siya naglabas ng pagkadismaya sa publiko.

“Hindi naman ako madamot, nagbibogay ako ng tip sa rider lalo na pap alam kong mukang pagod na sa byahe, kagaya neto nag text sya ng ganito nagbigay nman ako ng tip pero pag check ko ng pagkain kulang kaya hinabol ko para inform sya na pakibalikan nmn ung kulang na order,” dagdag niya kalakip ang screenshot ng kaniyang bukal sa loob na pagbibigay ng tip.

Ilang reaksyon naman mula sa netizens ang tinamo ng viral post ni Kathleen.

“Baka nanggigil kaya kinurot,” biro ng isa.

“As a foodpanda biker rider eh marami talagang pasaway na akala mo inutusan lang bumili sa palengke dami din dito sa area namin ngayong naghihpit sa lugar namin e lahat nag si ayos na ng panunuot ng damit nasa area leader yan kung kaya nyang panghawakanang nasasakupan nya. Nadadamay din kase yung ibang matitinong rider sa kagagawan ng ilan,” dismayadong komento ng isang kapwa rider.

“Tandaan nyo dyan naghiwalay si popoy at basha sa chicken skin!!” dagdag na hirit ng isa pa.

“Okay lang Yan atleast tiniran Kapa dba HAHAHAHAHHAHAH” pilyong gatong ng isa pang netizen.

Sa huli, sinubukan umanong kontakin ni Kathleen ang customer service ng naturang food application ngunit “bastos” daw itong kausap.

“Nag-chat ako sa csr ng foodpanda bastos sila kausap. Tapos ineend yung chat,” aniya sa isang tugon sa isang netizen.

Sinubukang kontakin ng Balita si Kathleen para makuha ang dagdag na update kaugnay kaniyang reklamo. Wala pa siyang tugon sa pag-uulat.