Sinabi ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na personal na nagpunta sa kaniyang tanggapan ang direktor at aktor na si Coco Martin upang humingi ng paumanhin sa kontrobersyal na eksena sa “FPJ’s Batang Quiapo.” Inamin daw ng aktor na kulang ito ng kaalaman sa Islam. 

"Ako po ay humaharap sa inyo ngayong araw na ito upang magbigay ng pahayag patungkol po sa isang episode ng teleseryeng Batang Quiapo na ipinalabas noong ika-14 ng Pebrero, araw po ng Martes - na masasabi po nating tumawag sa atensyon ng ating mga kababayan, partikular na po sa komunidad naming mga Muslim," saad ni Padilla sa isang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 16.

"Nauunawaan ko pong nasaktan ang ating mga kapatid sa paglalarawan na tila ba kinikunsinte ng mga Muslim ang pagnanakaw ng karakter ni Tanggol. Kaalinsabay po nito ang naging paggamit ng mga relihiyosong imahe, katulad po ng Golden Mosque, adhan (ito po ang tawag sa pagdasal), at mga kasuotang ginagamit po sa pagdadasal ng isang Muslim," dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ng senador na malaking kasalanan sa Islam ang anumang uri ng pagnanakaw maging ang pagkunsinti sa sinumang magnanakaw. 

'Walang masamang intensyon': 'Batang Quiapo,' nag-sorry sa Muslim community

"Nais po nating bigyang diin na malaking kasalanan, haram o ipinagbabawal po sa Islam ang anumang uri ng pagnanakaw, gayundin po ang pagkunsinti sa sinumang magnanakaw.

"Kaugnay nito, nais kong ipaalam na personal po na pumunta sa aking tanggapan si Ginoong Director Coco Martin upang ibigay po ang kanyang paliwanag sa kontrobersyal na bahagi ng kanyang teleserye," saad pa ni Padilla.

"Personal ko pong narinig at nakita at naramdaman ang sinserong paghingi ng paumanhin ng aking kapwa-aktor at direktor sa lahat po ng mga nasaktan sa nasabing paglalarawan," aniya pa.

Sigurado rin daw ang senador na walang masamang intensyon si Coco dahil siya na mismo ang gumagarantiya na mabuti ang kalooban nito. Inamin din daw ng aktor na kulang ito sa kaalaman sa Islam. Kaya naman, nanawagan si Padilla na huwag nang batikusin ang pagkukulang ng aktor sa halip ay magtulungan na lamang itong bunuan.

"Mga mahal kong kapatid, ako na po ang naggagarantiya sa mabuting kalooban ni G. Coco Martin. At sigurado po akong wala siyang masamang intensyon kanino man. Inaamin po niya na kulang ang kanyang kaalaman sa Islam, kung kaya't sa halip po na ating kutyain ang kanyang pagkukulang, ako na po ang nananawagan po sa inyo upang atin itong sama-samang bunuan.

"Sampu po ng mga bumubuo ng Batang Quiapo, sila naman po ay nangangako na mas magiging maingat at sensitibo sa pagsasalarawan ng mga sektor lalo't higit po kung nakasalalay dito ang imahe ng kultura, tradisyon, at maging relihiyon.

"Tunay na mayaman po at makulay ang komunidad ng Muslim sa ka-Maynilaan, partikular po sa Quiapo - na tumatagos sa libo-libong pahina ng ating kasaysayan. Ang atin pong dalangin: nawa'y samahan pa tayo ng lahat ng industriya sa bansa upang matuldukan na natin sa wakas ang hindi magandang stereotype patungkol sa mga Muslim, at paniniwalang Islam. In sha Allah," paglalahad pa ng senador.

Sa huling bahagi ng pahayag ay may mensahe si Padilla sa kaniyang mga kapatid na Muslim na huwag nang mangutya.

"Sa akin pong mga kapatid na Muslim, In sha Allah, ang pangyayaring ito ay isa rin pong pambihirang pagkakataon upang lalo pa nating mapagtibay sa pamamagitan ng da'wah upang makapag-bigay alam sa ating lipunan tungkol sa pananampalatayang Islam - na nakaugat po sa diwa ng kapayapaan at kabutihan sa Diyos at sa kapwa.

"Mga kapatid ko, may mga bagay pong nangyayaring hindi natin gusto. Mukhang sa unang tingin hindi maganda, pero ito po nakikita natin, ito po ay nakakaganda para sa da'wah. Ito ang pagkakataon para lumabas po tayong lahat at mag da'wah tayo patungkol po sa tamang katuruan ng Islam. Huwag po tayong mangutya. Huwag po natin kutyain ang ating mga kapatid na hindi Muslim, na hindi nakakaalam sa ating pananampalataya. Bagkus, sila po ay ating yakapin, kausapin, itong pagkakataon na ito malaman po nila kung ano ang Islam."

Matatandaang naglabas na rin ng pahayag ang produksyon ng "Batang Quiapo" hinggil sa kontrobersyal na eksena.

BASAHIN: