Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Pebrero 17, dulot ng trough ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, namataan ang LPA sa layong 765 kilometro sa silangan timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Kaya naman, magkakaroon ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at Bohol bunsod ng trough ng LPA.

Magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Aurora, at Quezon dahil naman sa amihan.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar dahil maaari umanong makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Makarararanas naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.