Tinatayang 329 ang bilang ng aftershocks na naitala matapos yanigin ng magnitude 6 na lindol ang probinsya ng Masbate nitong Huwebes, Pebrero 16, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa ulat ng Phivolcs nitong Biyernes dakong 8:00 ng umaga, Pebrero 17, ang nasabing 329 aftershocks ay nasa magnitude 1.5 hanggang magnitude 4.2. 

Plot ng Magnitude 6.0 sa Masbate at naitalang aftershocks mula Pebrero 16 2023, 1:00 p.m.. (mula sa Phivolcs)

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

“We can expect aftershocks to occur in the epicentral area, but occurrences of moderate aftershocks are not discounted. These may continue for several days to weeks, some of which may be felt,” anang Phivolcs.

Sa ngayon ay nasa 23 aftershocks na umano ang naramdaman ng mga residente.

Dahil dito, hinihikayat ng Phivolcs ang publiko na maging handa at huwag kalimutang gawin ang “drop, cover, and hold” sakaling makaramdam muli ng pagyanig.

“In homes and offices, heavy furniture and appliances should be strapped to the walls, and hanging objects securely fastened to prevent these from causing injuries,” paalala ng Phivolcs.

Dagdag nito, maiging makipag-ugnayan ang mga residente sa mga awtoridad o kinauukulan tulad ng Municipal/City Engineering Office para humingi ng payo at magsagawa ng inspeksyon sa mga gusali.

Samantala, pinaalalahanan din ng Phivolcs ang publiko na iwasang magkalat o makinig sa mga maling impormasyon dahil maaari lamang itong makapagbigay ng panic sa mga tao.

“Please avoid sharing messages from unconfirmed and unreliable sources, and only rely on information from DOST-PHIVOLCS and pertinent Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs),” anang Phivolcs.

Nangyari ang naturang magnitude 6 na lindol sa Masbate kahapon dakong 2:10 ng madaling araw. Namataan ang epicenter nito 11 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Batuan, Masbate.

Basahin: Masbate, niyanig ng magnitude 6 na lindol