Nakipagpulong si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Andres Centino upang pahupain ang tensyon sa nangyaring panunutok ng laser ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal kamakailan.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Huang na kabilang sa tinalakay sa pagpupulong ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
“Had a cordial and constructive meeting with CSAFP General Andres C. Centino during my courtesy visit at the AFP General Headquarters in Camp Aguinaldo, Quezon City.We discussed matters pertaining to mil to mil exchange and cooperation as well as sustaining peace and stability in the region," banggit ng nasabing diplomat.
Kaagad na gumawa ng hakbang si Huang matapos ang kontrobersyal na insidente ng panunutok ng military-grade laser ng CCG sa BRP Malapascua na nagsasagawa lamang ng regular rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal na sakop pa ng West Philippine Sea nitong Pebrero 6.
Sa pahayag ng PCG, nakaramdam ng pansamantalang pagkabulag ang mga sundalong nakasakay sa nasabing barko ng PCG dulot na rin ng laser.
Dahil sa insidente, naalarma rin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ipinatawag si Huang upang pagpaliwanagin hinggil sa insidente.