CAMP DANGWA, Benguet – Pinasinayaan ni Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., ang bagong four-storey building ng Regional Forensic Unit-Cordillera sa loob ng Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad nitong Huwebes, Pebrero 16.
Ito ang kauna-unahang state-of-the-art building ng PNP sa buong bansa na ginastusan ng P40 milyon at ginawa ng Department of Public Works and Highway-Cordillera sa ilalim ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) Convergence Program.
Labis na pinasalamatan ni Azurin ang DPWH sa kanilang pamamahagi ng magaganda at makabagong disenyo ng PNP building hindi lamang sa Cordillera, kundi sa buong pulisya sa bansa.
“Maraming gusali na ang nagawa na, sa Police Regional Police-1 ay ibinigay din ito ng DPWH. I thank you that the DPWH is helping us to augment sa budget natin pagdating sa pagpapatayo ng mga building natin because every year we will allocating P100 million to construct municipal police stations at ngayon nandito ang DPWH ay napapadali ang ating mga programang imprastraktura,” pahayag ni Azurin.
Dagdag pa niya, napakalaking bahagi ng forensic unit para sa mga insidente ng krimen, kaya't napapanahon na magkaroon sila ng opisina ng modernong kagamitan, mabilis ang proseso at pagsasaayos ng mga dokumento na hindi na dadalhin sa national headquarter.
“Dahil modernong opisina at kauna-unahang may elevator ay nararapat lang na gawin nating moderno din ang mga kagamitan nito. Magiging prioridad namin sa national headquarters na mapag-usapan ang mga kagamitan para sa malaanan agad ng pondo,” ayon pa kay Azurin.
Nagpasalamat din siya kina Congressman Eric Yap, Gov. Melchor Diclas at sa ibang stakeholder na patuloy na sumusuporta sa pangangailangan ng Police Regional Office-Cordillera.
Sa pagbisita ni Azurin sa PROCOR siya rin ay personal na nagsuri sa kapakanan ng kaniyang mga tauhan at dumalo sa groundbreaking ceremony ng Regional Intelligence Division & Regional Intelligence Unit 14 at ang Inauguration & Blessing ng bagong gusali ng Regional Forensic Unit - Cordillera.
Sinamantala rin niya ang pagkakataong makausap ang mga kalalakihan at kababaihan ng PROCOR kung saan pinuri niya ang pagsisikap ng mga pulis sa pamumuno ni Brig. Gen. Mafelino Bazar at ang mga miyembro ng command group para maging ligtas at mapayapang tirahan at pasyalan ang rehiyon ng Cordillera.