Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Pebrero 16, bunsod ng trough ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, namataan ang LPA sa layong 750 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Kaya naman, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, and Zamboanga Peninsula bunsod ng trough ng LPA.

Magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, at Bicol Region dahil naman sa amihan.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa ang mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dulot ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Makarararanas naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa trough ng LPA o kaya naman ay dahil sa localized thunderstorms. Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga residente rito dahil sa posibleng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.