Emosyonal na ipinagtanggol ni “Star For All Seasons” Vilma Santos ang kaniyang anak na si Luis Manzano na naiipit ngayon sa ilang reklamo ng investors sa umano’y maanomalyang kompanya ng langis.

Matatandaang umabot na sa National Bureau of Investigastion ang partikular at patung-patong na reklamo ng mga mamumuhunan sa kompanyang “Flex Fuel Petroleum Corporation” kung saan siya ang dating chairman of the board.

Basahin: NBI, naglabas ng subpoena vs Luis Manzano dahil sa umano’y investment scam – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Mahirap din kasi na kung minsan it’s your job to do good; to show people that you’re comfortable pero deep inside you’re hurting,” mangiyak-iyak at pilit na makahulugang pagsagot ni Vilma nang makamusta ni “King of Talk” Boy Abunda kaugnay ng isyu ni Luis.

Pelikula

'Hello, Love, Again,' pasok sa Top 10 highest grossing film sa US

“The only thing I can say is, I know my son. Ang anak ko tumutulong, hindi nanloloko. Kaya ‘yung mga nagsasalita at nanghuhusga sa kaniya, dahan-dahan lang kayo. Walang ibang nakakakilala sa anak ko kundi ako and I know he’s such a good person,” pagpapatuloy ng ina.

Tanging dasal na lang ngayon ni Vilma ang aniya’y gabay sa Panginoon. “Not even for myself but for my children. Ako na lang, ‘wag lang anak ko, ako na lang,” aniya.

Pag-amin pa ng aktres, hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang isyu bagaman nakakausap si Luis dahilan ng pagbuhos ng kaniyang emosyon nang biglang maungkat ng host.

“To all my friends at sa lahat ng mga kaibigan, prayers. I know my son. Lalagpas din ‘to because I know him. I know my son,” kumpiyansang paghikayat ng ina sa kanilang kapamilya.

“You will be fine anak. Maraming nagdadasal sa’yo and the truth will prevail. Alam ng mga tao ‘yan. Tumutulong ka ng mga tao anak, hindi ka nanloloko and I love you,” dagdag niya.

Sa ngayon, wala pang kasunod na development ukol sa mga reklamo ng investors laban sa naturang kompanya at sa aktor.

Nauna nang iginiit ng kampo ni Luis, sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Regidor Caringal sa ulat ng PEP, na inosente siya at sa katunayan ay biktima rin ng nasasangkot na kompanya.