Sinetch itey na isang male personality raw ang may kumakalat na audio recording ng kaniyang tinig habang pinagagalitan at pinapaulanan ng mura at masasakit na salita ang mga staff na nagtatrabaho para sa kaniya?

Iyan ang pasabog na blind item nina Cristy Fermin at Romel Chika sa February 15 episode ng kanilang programang "Cristy Ferminute."

Cristy Fermin at Romel Chika (Screengrab mula sa YT channel ng Cristy Ferminute)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Paglalarawan ni Cristy, kahit sino raw ay hindi maaatim at masisikmura ang ginagawa ng male personality sa kaniyang staff, na kung itrato raw ang mga taong nagtatrabaho para sa kaniya, ay parang walang naitutulong sa kaniya.

Pinagmumura daw ng naturang male personality ang mga tao sa kaniyang production team, na kung tutuusin daw ay nasa linya naman ng kanilang trabaho; ibig sabihin, alam nila ang kanilang ginagawa.

Narinig daw mismo ni Romel ang naturang audio recording na kinuhanan ng isang staff na hindi na umano matiis ang mga nangyayari. Kahit si Romel, nagulat sa kung paano tratuhin ng male personality ang mga taong nasa likod ng kaniyang show.

Sundot naman ni Cristy, pakiramdam daw ng mga dati at kasalukuyang nagtatrabaho sa kaniya ay masyado na silang namamaliit.

"Grabe po, kapag narinig ninyo mismo ito, kayo po mismo, manliliit kayo, puro P.I. po ang laman, puro P.I. po… talagang nagpipista po sa P.I. ang mga salita nitong male personality. 'Mga P.I. kayo, mga bobo kayo, mga pinasusuweldo ko kayo nang maayos, bumabale-bale kayo, pero ang tatanga ninyo, ang bobobo n'yo, mga leche!" kuwento ni Cristy.

Sabi raw ng mga staff, kung mayroon lang silang ibang mapapasukan ay aalis na sila sa pagtatrabaho sa nabanggit na male personality. Inilarawan pa raw ang trabaho bilang "kapit sa patalim."

Giit pa ni Cristy, ang mga recorded audio ng male personality ay hindi gawa ng mga taong naninira sa kaniya, kundi dahil na rin sa kaniyang kagagawan.

Sundot naman ni Romel, kaya pala wala raw masyadong nagtatagal sa male personality na ito ay dahil sa ugali nito.

Isinusudsod at isinusumbat daw ng naturang male personality ang mga perang ibinibigay niya sa mga staff na bumabale o nagpapa-advance ng kanilang suweldo dahil kailangang-kailangan para sa paggagamitan nito.

Kaya nalulungkot si Cristy dahil alam naman daw ng male personality kung ano ang pakiramdam ng wala. Ngayong naabot na raw nito ang mga pangarap niya, huwag naman daw sana nitong tapak-tapakan ang mga taong nakatutulong sa kaniya ngayon sa show.

Wala namang ibinigay na clue ang showbiz columnist subalit batay sa kaniyang huling pahayag, marami ang nakahula kung sinetch itey ayon sa text messages na natatanggap niya habang umeere ang CFM.