Mainit ang diskusyon ng netizens kung anong teleserye nga ba ang totoong nangunguna ngayon sa Primetime matapos ang pagtatapat ng teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo” ng ABS-CBN, at “Maria Clara at Ibarra” ng GMA Network.
Pawang nasa parehong timeslot ang mga nasabing teleserye at kaliwa’t kanang nagsulputan ang mga ratings nito para sa pagsisimula ng linggong ito.
Ayon sa Kantar Media, wagi ang “Batang Quiapo” sa pilot episode nito na nakapagtala umano ng 21.39% combined ratings, habang ang “MCAI” naman ay nakapagtala lamang ng 12.5% combined ratings.
Dikit naman ang lumabas na datos mula sa AGB Nielsen Nationwide Urban Television Audience Measurement (NUTAM) na may ratings na 12.9% para sa “MCAI” at 12.5% naman para sa “Batang Quiapo”
Tila may patutsada naman ang GMA headwriter na sa si Suzette Doctolero nang ibahagi nito ang larawan ng resultanng ratings mula NUTAM.
“Wow, close fight! (Ito ang totoong ratings, hindi peneke. Ayaw ko sa maduming laro. Dapat sa totoo tayo.),” aniya.
Sa pilot episode ng “Batang Quiapo,” pumalo sa 341,509 concurrent views ang bagong Kapamilya teleserye, na walang-wala di umano kung ikukumpara sa “MCAI.”
Depensa naman ng mga tagasubaybay ng “MCAI” na hindi basehan ang views sa YouTube dahil nasa free TV naman ang nasabing programa.
Mapapanood ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, at TV5, habang ang “Maria Clara at Ibarra” naman ay mapapanood sa GMA Network.