Trending ang pilot episode ng pagbabalik-teleserye ng itinuturing na Primetime King ng ABS-CBN na si Coco Martin kagabi, Pebrero 13---ang "FPJ's Batang Quiapo" na muling pagsasabuhay sa klasikong pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr.

Reaksiyon ng mga netizen, para bang nanonood sila ng pelikula dahil sa bonggang-bonggang mga pasabog at mabibigat na eksena. Halos pumalo sa mahigit 300k concurrent views ang mga nanonood sa Kapamilya Online Live. Nagkaroon din ng public viewing nito sa mismong Plaza Miranda sa Quiapo kasama ang cast gayundin ang mayora ng Maynila na si Honey Lacuna.

Puring-puri ng mga netizen ang special appearances nina Miles Ocampo at Precious Lara Quigaman bilang younger version nina Cherry Pie Picache at Charo Santos Concio, lalo na ang una, na sana raw ay huwag nang pakawalan ng ABS-CBN. Sa kasalukuyan kasi ay napapanood ito bilang Dabarkads host sa noontime show na "Eat Bulaga" at sitcom ni John Lloyd Cruz na "Happy ToGether" na parehong umeere sa GMA Network.

Samantala, may mga nagsasabi namang "Ang Probinsiyano" feels pa rin ang "Batang Quiapo," marahil ay dulot na rin ng pitong taong pamamayagpag sa ere ng una, kaya naman hindi na mapapagkit bilang household name ang pangalan ng direktor at bida nitong si Coco Martin. Isa pa sa mga napansin ng mga netizen, tila "unli-bala" na naman ang baril na ginamit ni Coco sa kaniyang action scenes.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

May mga nagbibiro pang baka umabot din sa pitong taon o higit pa ang seryeng ito na "nagpataob" sa marami nitong mga nakatapat na serye sa ibang estasyon.

Samantala, inaabangan na ang paglabas ng karakter ng dating Kapuso na si Lovi Poe na siyang leading lady rito ni Coco.