Sadyang mahiwaga ang pag-ibig. Sino nga ba ang mag-aakalang sa milyong-milyong tao sa mundo, darating ang isang araw na makikilala mo ang taong nakatadhana pala sa iyo? Minsan nga, nasa tabi mo na pala't hindi namamalayan. Magugulat ka na lamang, siya na pala ang "The Right One."

Ganiyan ang nangyari sa mag-asawang "Waynes Louie Cacayorin", 27-anyos at "Glaid Nishiyama Cacayorin", 28-anyos kung saan hindi nila inaasahang sila pala ang magkakatuluyan sa huli, kahit na may "pamba-busted" na naganap sa kanila noong nasa kolehiyo sila.

Mapalad na nakapanayam ng Balita ang mag-asawa matapos na kakiligan ng mga netizen ang kanilang prenup photoshoot, na mababasa ang "From classmates to being bestfriends, from binusted to soon to be married!" Curious ang mga netizen kung ano ang kuwento sa likod ng kanilang pagmamahalan.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Waynes at Glaid Cacayorin

Kuwento ni Wayne, nasa elementarya pa lamang ay magkakilala na sila ng misis na si Glaid dahil magkaklase sila. Nang unang masilayan ni Wayne si Glaid ay napukaw na nito ang kaniyang atensyon at nakalabit ang kaniyang puso.

"Actually grade 5 kami unang nagkakilala. Hindi naman talaga kami close as a classmate at that time pero dumating yung first exam namin. Kapag exam week na kasi sa amin, nababago yung seating arrangement. Sa harap ko siya nailagay ni Teacher and at that moment nag-stood out siya agad sa akin. Sa sobrang galang niya, parang ako pa yung mahihiya na asarin siya. For me 'yan yung isa sa reason kung paano nagsimula yung pag-ibig ko sa kaniya," kuwento ni Wayne.

Matagal na panahong kinimkim ni Wayne ang kaniyang umuusbong na damdamin para kay Glaid, hanggang sa tumuntong sila sa high school.

2nd year high school sila nang ipagtapat ni Wayne ang kaniyang nararamdaman para kay Glaid. Subalit, hindi nito nasuklian ang damdaming idinudulog niya sa kaniya. Samakatuwid, "busted" si Wayne. Matapos mabusted ay hindi na ipinilit pa ni Wayne ang kaniyang nais hanggang sa magtapos sila ng pag-aaral.

"Fast forward po tayo sa 2nd year high school, 'yan yung panahon na umamin ako kay Glaid unfortunately, binusted niya ako," aniya.

Matapos daw makapagtapos sa high school at college ay tuluyan nang nagkalayo ng mga landas ang dalawa. Si Wayne at nanirahan na sa Amerika habang si Glaid naman ay nagtungo sa Japan. Nagkaroon ng kani-kanilang buhay at karera.

Makalipas ang sampung taon, muli silang nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sa pamamagitan ng Facebook. Nagkumustahan sila, at dahil araw-araw na silang nagkakausap, tila muling nabuhay ang "nahimbing" na damdamin ni Wayne para kay Glaid.

Nagbakasakali siyang maligaw ulit kahit malayo ang kanilang lokasyon sa isa't isa. Sa pagkakataong ito, sinagot na siya ni Glaid. Nakuha niya ang matamis na oo nito! And the rest is history, 'ika nga.

Waynes at Glaid Cacayorin

Sa ngayon ay pitong taon nang kasal ang mag-asawa kahit malayo sila sa isa't isa.

"7 years and almost a month as husband and wife. Yung malinaw na komunikasyon ang pundasyon namin. Pagiging kuntento sa isa't isa at kapag may problema, gusto namin napag-uusapan agad para hindi na lumala."

Kagaya sa ibang relasyon lalo na't LDR (long distance relationship), hindi rin naman maiiwasan ang pagdating ng mga problema at pagsubok.

"Unang-una yung biggest problem talaga namin is yung absence ng isa't isa physically kasi nga LDR kami. Recurring yung 'Sana nandito ka ngayon sa tabi ko moments.' Lumala pa 'yan nang pumasok yung pandemya, supposedly kasi magkikita na kami within a year ulit after not seeing each other for 1-year pero humaba dahil nga sa Covid-19."

"Sinusuyo ko siya araw-araw, constant reassurance, at pinapakita ko na sincere ako sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay- oras as much as possible."

Ano nga ba ang sikreto nila upang magkaroon ng matibay na relasyon, lalo't LDR?

"Hindi dapat mawawala yung tiwala at pagiging tapat sa isa't isa. Wag gumawa ng bagay na ikakagalit ng iyong karelasyon. At kung maaari, wag na wag mong pagbubuhatan ng kamay at pagsalitaan ng masama ang iyong partner."

Waynes at Glaid Cacayorin

Kaya naman may tips o payo ang mag-asawa sa lahat ng couple ngayong Valentine's Day.

"Enjoy the day. Hindi naman kailangan gumastos nang malaki para maging masaya ang Valentine’s Day. Iparamdam mo na mahal mo ang iyong partner hindi lang ngayong Valentine’s Day kundi araw-araw."

Kaya naman pinaninindigan talaga ng mag-asawang Wayne at Glaid ang kanilang naging hashtag sa kasal na #WAYNEderfullyMadeForGLAID.