Isang lalaki ang inaresto ng pulisya sa Caloocan City noong Lunes, Pebrero 13, matapos umanong tangkaing i-blackmail ang dating kasintahan na ilantad nito ang mga pribadong video nito online para lang maayos ang kanilang relasyon.

Kinilala ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang suspek na si Christian Ancheta, 31, ng Bagbaguin, Caloocan City.

Ani Cpt. Santiago Roy, hepe ng Northern District Anti-Cybercrime Team (NDACT), humingi ng tulong sa kanila ang biktimang si Lourdes, 42, dating kasintahan ng suspek, matapos pagbabantaan siya ni Ancheta na ilalabas nito ang mga pribadong video nito sa kanyang pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng Facebook kung hindi siya makikipagkita sa kanya para pag-usapan ang kanilang relasyon.

Inaresto ng mga miyembro ng NDACT at CCPS si Ancheta sa isang entrapment operation bandang alas-5 ng hapon nitong Lunes sa kanto ng 8th at 9th Avenues, Grace Park, Barangay 103 sa lungsod, nang pumayag ang biktima sa kanyang kahilingan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Narekober sa suspek ang kanyang cellphone, driver’s license, police clearance identification card, sim card, at P400 cash.

Kakasuhan ang suspek ng mga paglabag sa Republic Act (RA) 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act), RA 9262 (Anti-violence Against Women and their Children Act of 2004), at Articles 282 (Grave Threat) at 286 ( Grave Coercion of the Revised Penal Code in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), sabi ng pulisya.

Aaron Homer Dioquino