QUEZON -- Sumuko sa awtoridad ang aktibong miyembro ng New People's Army (NPA) na sangkot umano sa engkwentro sa bayan ng San Andres at San Francisco nitong Lunes, Pebrero 13.
Kinilala sa ulat ang rebelde na si Cesario Santoria, 54, alyas 'Sario,' 'Julie,' at 'Roland' at tubong bayan ng Lopez.
Si Santoria ay miyembro ng Squad Bekeng, Platun Reymark ng Sub-Regional Military Area 4B, Southern Tagalog Regional Party Committee (SRMA4B, STRPC).
Inamin niya na isa sa layunin ng pakikipagsapalaran ng mga rebelde sa Bondoc Peninsula na magmumula sa Camarines Sur ay upang makipag-ugnayan muli sa mga natitirang rebelde.
Kabilang si alyas Sario sa mga rebeldeng sangkot sa mga engkwentro sa pagitan ng militar noong Enero 27 sa San Andres at noong Enero 29 sa bayan ng San Francisco na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong rebelde, at isang sugatan.
Sumuko siya sa pinagsamang elemento ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, Lopez Police, at 405th Maneuvers Company, Regional Mobile Force Battalion 4A sa pakikipagtulungan ng 85th Infantry Battalion at Parañaque City Police Station.
Ang pagsuko ni Ka Sario ay bunga ng patuloy na pagsisikap ng mga pwersa ng gobyerno at lokal na pamahalaan na walisin sa Bondoc Peninsula ang presensya at impluwensya ng Communist Terrorist Group (CTG).
Nasa custodial debriefing ngayon ang nasabing rebelde.