Nasa 63 couples ang pinag-isang dibdib ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa ‘Kasalang Panglungsod’ na idinaos sa San Juan City nitong Valentine’s Day.
Nabatid na ang “Kasalang Panlungsod” ay taunang programa ng San Juan City Government, bilang pagdiriwang sa Civil Registration Month ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Dumalo rin naman sa naturang Valentine’s Day Mass Wedding Ceremony na isinagawa sa San Juan Gym dakong alas-10:00 ng umaga nitong Martes, sina Cong. Bel Zamora, mga city officials at maging ni Chief Statistical Specialist Amelia Basilio.
Ayon kay Zamora, ang lahat ng 63 couples na ikinasal niya ay mula sa iba’t ibang barangay ng San Juan.
Binati rin niya ang mga ito sa kanilang espesyal na araw at sinabing hangad niya ang pang-habambuhay na kaligayahan ng mga ito bilang mag-asawa.
“On behalf of the City of San Juan, we are congratulating the 63 couples on their big day and wish them a lifetime of happiness as they start their journey as husband and wife,” ani Zamora.
Matapos ang naturang mahalagang okasyon, ang mga bagong kasal ay tumanggap ng tig-P3,000 regalo at wedding cake na hugis puso mula sa city government, na siya ring sumagot sa kanilang wedding reception.
Sa kanyang mensahe para sa mga bagong kasal, pinangakuan rin naman ni Zamora ang mga bagong kasal na kung magkaka-anak na ang mga ito sa hinaharap ay maaari rin silang manganak sa San Juan Medical Center.
“I wish them all the best in their marriage and I hope that they will reach 50 years and even more so that they will be able to receive their 50th golden anniversary gift from the city,” dagdag pa ng alkalde.
Matatandaang una nang ipinasa ng San Juan City ang City Ordinance No. 39, S. 2022 o ang Golden Wedding Anniversary Incentive Ordinance, kung saan ang mga married couples na nananatiling happily married at magdiriwang ng kanilang ika-50th wedding anniversary ay tatanggap ng P50,000 na insentibo mula sa lokal na pamahalaan.