Arestado ang dalawang Koreano at isang kasabwat na Pinoy sa isinagawang buy-bust operation ng mga miyembro ng Pasay City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) noong Lunes, Pebrero 13.

Ayon kay Col. Froilan Uy, city police chief, kinilala ang mga suspek na sina Yoan Kyeong Ha, 53; Jae Hoon Kung, parehong Korean national; at Marvin de Leon, alyas Noel, 19.

Sinabi ni Uy na naaresto ang mga suspek dakong alas-10:45 ng gabi sa Estrella St. sa Barangay14, Zone 1, Pasay City.

Aniya, nagsagawa ng entrapment operation ang mga miyembro ng SDEU para madakip ang dalawang Koreano na parehong nakalista sa police gallery bilang high-value individuals (HVI).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ng hepe ng pulisya ng lungsod na nakumpiska ng mga miyembro ng SDEU mula sa mga naarestong suspek ang dalawang plastic sachet at isang partially open sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 2.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P14,960.

Narekober sa kanila ng mga operatiba ng pulisya ang isang rolled aluminum foil na may bakas ng shabu, isang green lighter, at ang P300 buy-bust money.

Sinabi ni Uy na ang mga narekober na shabu ay itinurn-over sa Southern Police District Forensic Unit para sa chemical analysis.

Aniya, nakakulong ngayon ang mga suspek sa police custodial facility.

Kinasuhan ng possession of illegal drugs ang mga suspek, sabi ng pulisya.

Jean Fernando