Matinding depensa ng Magnolia ang dahilan ni coach Chito Victolero kaya natambakan nila ng 30 ang Ginebra San Miguel nitong Linggo ng gabi.
"Sinabi ko lang sa mga bata na we need to enjoy the defensive battle, it's our only chance against Ginebra, an elite, talented team like Ginebra," ani Victolero.
Naipanalo ng Hotshots ang laban, 118-88.
Bukod dito, napansin nito ang sobrang pagkapagod ng Gin Kings dahil na rin sa apat na magkakasunod na laro sa isang linggo.
Malaki rin aniya ang naging tulong ng bago nilang import na si Antonio Hester dahil sa solidong performance mula sa una nitong laro laban sa Phoenix Super LPG kung saan sila nanalo, 108-95.
Dahil aniya kay Hester, nakabangon na ang koponan mula sa 0-3, matapos ikalawang sunod na panalo--ang huli ay laban sa Gin Kings.
Bukod kay Hester, nagpakita rin aniya ng lakas si Mark Barroca na kumolekta ng 21 puntos.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Ginebra head coach Tim Cone sa pagkatalo nila sa Magnolia.
Aminado si Cone pagod na ang koponan at nakita nito sa mga galaw ng kanyang mga manlalaro dahil na rin sa sunud-sunod nilang laban.