PLARIDEL, Quezon — Sugatan ang anim na sakay ng tricycle matapos silang tangayin ng Elf truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Tanauan nitong Linggo ng hapon, Feb, 12 sa bayang ito.
Kinilala ni Police Major Jocelyn Allibang, acting chief ng Plaridel Philippine National Police, ang mga sugatan na sina Joy Delacalsada, 33; John, 4 na buwan; Adriana Guerrero, 11; Angelo Guerrero, 4, Herniña Delacalsada, 55, at Pederico Delacalsada, 60. Pawang residente ng Muntinlupa City.
Hindi naman nasaktan ang driver ng Elf truck na kinilalang si Elmer Moralde, 59, at residente ng Valenzuela City.
Sinabi ni Allibang na lulan din ng sari-saring mga gamit ang tricycle (Bangkulong) na lulan ng biktima.
Kinilala ang driver nito na si Michael Lobtoco, 31, residente rin ng Muntinlupa City. Nangyari ang aksidente dakong 4:10 p.m. nang sinubukang mag-overtake ng tricycle sa isa pang tricycle.
Inokupa ng tricycle ni Labtoco ang kalahating bahagi ng kabilang lane ngunit sa kasamaang palad ay hindi napansin ang paparating na Elf truck na bumabagtas at papunta sa direksyon ng Bicol.
Sinubukan ni Moralde na iwasan ang banggaan ngunit tumabi pa rin ito sa tricycle ng mga biktima.