Marami ang humanga sa dedikasyon at pagtutulungan ng mag-asawang sina Frederick at Libertie Pastolero, kapwa 32-anyos, mula sa Caloocan City, para mapalago ang kanilang negosyong sibuyasan.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Libertie na 15 taon na raw niyang kaagapay ang kaniyang mister sa hirap at ginhawang idinadala ng buhay.

“Siya ang number 1 na kakampi ko sa lahat,” saad niya.

Gayunpaman, noong nakaraang taon lamang sila nagkaroon ng pakakataong makapagpakasal dahil daw sa kakulangan ng salapi.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

“Kakakasal lang namin last Feb 21 2022. Sobrang hirap ng buhay namin kaya last year lang nakapagpakasal noong medyo nagkaroon dahil gumanda ang takbo ng business namin,” ani Libertie.

Mula sa pagiging sidewalk vendor ng mag-asawa, nagkaroon sila ng oportunidad noong nakaraang taon na magtayo ng negosyong sibuyasan.

Nang magsimula raw sila sa kanilang business, talagang tyinaga nilang mag-asawa ang mga pagsubok na dulot ng pagpapalago nito. Nagbibigay raw sa kanila ng lakas ang pagmamahalan nila sa isa’t isa para lalong magsumikap.

“Parehas din kaming walang bisyo at walang luho. Mabilis po ang pag-usad at pag-unlad pag iisa ang goal, at diyan kami talaga nagkakasundo ng mister ko.”

Kahit anong raket din daw na pasukin ni Libertie upang umangat ang kanilang buhay ay laging nakasuporta sa kaniya ang asawa.

Dahil dito, masasabi ni Libertie na mas maayos na ngayon ang kanilang buhay dahil napapalago na rin nila ang kanilang negosyo.

Sa ngayon ay mayroon na raw silang load business at dalawa na ang pwesto ng kanilang sibuyasan na matatagpuan sa Balintawak at Commonwealth Market.

Sa darating na araw ng mga puso, balak ng mag-asawa na mag-out of town kasama ang kanilang minamahal na tatlong anak.

Magiging double celebration daw ang araw ng mga puso para sa kanila dahil ipagdiriwang na rin nila sa naturang araw ang kanilang first wedding anniversary.

“Everyday [ay] Valentine’s Day naman sa amin ni mister dahil active din po kami sa pagse-serve kay Lord at sa church,” ani Libertie.

“Kapag may Lord sa relasyon, matic ‘yun, everyday Valentines.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!