Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa ilang talamak na modus kagaya ng mga insidente ng online scam tulad ng tangkang pag-cash-in sa pamamagitan ng e-wallet.
Ito ang agarang hakbang ng PNP Anti Cyber-Crime Group (ACG) matapos ang viral post ng isang tindera na pinipilit mag cash-in ng suspek na babae sa halagang P5,000 nang wala namang maipakitang pera.
Sa nasabing post, hindi napapayag ng suspek ang biktima kung saan kalaunan ay inamin ng una na biktima rin siya at napag-utusan lamang umano.
Hanggang sa nakaiusap ang babae na huwag ipakalat ang nasabing videodahil bitkima din umano siya.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na ang suspek ay nabiktima na umano ng scammer nang siya ay manalo raw sa isang TV game show ng P300,000.
Ayon sa opisyal ng PNP-ACG, nanawagan sila sa publiko at maging sa wallet operators na huwag basta mag-cash-in ng pera nang walang ibinibigay mula sa isang tao.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na agad itimbre sa pulisya ang mga kaugnay na modus para matunton ang mga gumagawa ng nasabing iregularidad.