Isang lola na may isang buwan nang nawawala ang natagpuang naaagnas nang bangkay sa bangin sa Tanay, Rizal, nitong Sabado ng umaga.

Ang biktimang si Edilberta Gomez, 69, at residente ng Quezon City ay natagpuang may tama ng bala sa likod ng ulo habang arestado naman ang suspek na si Mark Anthony Cosio, taxu driver.

Batay sa inisyal na ulat, si Gomez ay unang iniulat na nawawala matapos na umalis ng kanilang tahanan noong Enero 14, 2023.

Pupunta lamang umano ang matanda sa bahay ng kanilang kaanak sa Mayon St. sa QC kung saan makikipagkita sa mga kaanak upang magtungo sana sa Our Lady of Manaoag Church sa Pangasinan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa kuha ng CCTV, makikita ang matanda na sumakay ng taxi ngunit hindi ito nakarating sa kanyang destinasyon kaya't iniulat na nawawala ng kanyang mga kaanak.

Kaagad namang inaresto ang driver ng taxi at sa interogasyon dito ay sinabing patay na ang biktima at ang bangkay nito ay itinapon sa Marilaque Highway, malapit sa Kilometer 50.

Hinanap ng mga otoridad ang biktima na natagpuan dakong alas-6:30 ng umaga ng Pebrero 11, 2023, sa bangin sa tabi ng Marilaque Highway, Kilometer 50, Brgy. Cuyambay, Tanay, Rizal.

Naaagnas na ang biktima at hinalang may isang buwan na rin itong patay.

Positibo naman itong kinilala ng kanyang mga kaanak, sa pamamagitan ng kanyang kuwintas, dentures, sandals at mga damit.

Hinala ng mga otoridad na holdap ang motibo ng pagpatay sa biktima ngunit patuloy pa rin itong iniimbestigahan sa ngayon.