Usap-usapan ang Facebook post ng direktor ng "Martyr or Murderer" na si Direk Darryl Yap matapos niyang magpahayag na tila dismayado siya sa Viva Films, ang isa sa mga producer ng pelikula, dahil may pinapatanggal daw na sequence sa pelikula bagay na pinalagan naman ng direktor.
Giit ni Yap, nakasalig sa mga ebidensya at sources ang naturang detalye kaya halos dalawang oras daw siyang nakipagtalo sa pamunuan ng production company upang huwag tanggalin ito.
"I am about to give up," ani Yap.
"Kung ipipilit ng Viva na tanggalin itong sequence na ipinaglalaban ko na ng 2 oras;
tanggalin na rin nila ako.
wag nyo na ipalabas kung di kasama.
kapagod. tang ina.
gusto ko lang magkwento, may ebidensya,
may source, may basis!
I DON’T WANT A DIRECTOR’S CUT.
MARCH 1 must contain the ONLY CUT," giit ng direktor.Batay naman sa naging komento ni Senadora Imee Marcos sa comment section ng isa sa mga FB posts niya, mukhang ang sequence o eksenang tinutukoy niya ay isang pangyayari sa lalawigan ng Tarlac.
"Huy ano na? Pumayag na wag alisin yung eksena sa Tarlac?," tanong ng senadora.
"Senator Imee R. Marcos, unang-una sa lahat senator, comment section ito at hindi chat! HAHAHAHA! Maka- HUY ANO NA Hahahaha," tugon ng direktor.
Wala pang tugon o pahayag ang pamunuan ng Viva tungkol dito.