KALAYAAN, Laguna – Arestado ang tatlong katao dahil sa umano’y illegal logging sa Barangay San Antonio, nitong munisipalidad, noong nakaraang linggo.
Nakumpiska sa mga suspek ang P842,000 halaga ng kahoy.
Nahuli ng Department of Environment and Natural Resources-Community Environment and Natural Resources Office sa Santa Cruz, lalawigang ito, Police Regional Office 4-A Intelligence Division, at lokal na pulisya sina Marvin Pasco, Wendel Pacueza, at Lamberto Labonera noong Huwebes, Pebrero 9.
Nahuli sina Pasco at Pacueza sa Sitio Lamao at nakumpiska sa kanila ang mga iligal na pinutol na kahoy na nagkakahalaga ng P472,400 at isang bandsaw mill.
Nahuli si Laboreto sa Sitio Buho. Nakumpiska rin sa kanya ang mga iligal na pinutol na kahoy na nagkakahalaga ng P370,100 at isang bandsaw mill.
At-large naman ang mga umano'y may-ari ng bandsaw mill na kinilalang sina Edgardo Caiipe at Bernard Asedillo.
Dinala ang mga suspek sa Kalayaan police station para sa kaukulang dokumentasyon, disposisyon at pagharap ng mga kaukulang kaso.