Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa ₱16.8 milyong halaga ng kush o high-grade marijuana mula sa California, United States of America, sa isang warehouse sa Pasay City nitong Sabado.

Dalawa ring suspek na consignee ng balikbayan box na naglalaman ng nasabing droga ang inaresto ng mga tauhan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa ikinasang controlled delivery operation sa Antipolo, Rizal nitong Pebrero 11.

Hindi na muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek habang iniimbestigahan pa ang kaso.

Nauna nang pinigil ang nasabing package sa Pair Cargo warehouse sa Pasay matapos madiskubre na naglalaman ito ng 12,000 gramo ng kush, salungat sa idineklarang naglalaman ng personal effects.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Pansamantalang nakakulong sa PDEA ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).