Tuluyan na ngang nag-babu o nag-goodbye si Julie Anne San Jose sa "Maria Clara at Ibarra" matapos na patayin ni Padre Salvi (Juancho Trivino) ang kaniyang karakter na si Maria Clara sa February 10 episode ng nasabing teleserye.

Para kay Julie Anne isang malaking karangalan ang mapabilang sa MCAI. Kaya naman nagpasalamat siya sa GMA Network at Sparkle GMA Artist Center sa pagtitiwala sa kaniya na bigyang-buhay si "Maria Clara."

"Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa programang #MariaClaraAtIbarra. Maraming salamat sa @gmanetwork at @sparklegmaartistcenter sa tiwala at pagkakataon na mabigyang buhay ko si Maria Clara," aniya sa kaniyang Instagram post nitong Biyernes.

Bukod dito, pinasalamatan niya ang direktor ng MCAI maging ang buong production staff ng teleserye at ang mga manonood.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

"Maraming salamat kay @zigcarlo sa paggabay sa bawat eksena, sa aking mga kasamang aktor na tunay na mahuhusay, sa mga manunulat na malikhain, at sa buong produksiyon ng proyekto na naging kaibigan at pamilya ko na," sey ni Julie Anne.

"Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo gabi-gabi, nakakataba ng puso ang inyong pagsuporta at pagmamahal sa programang ito," dagdag pa niya. 

Sey pa ng singer-actress, mas minahal niya ang pagiging artista dahil siya ay isa sa mga nagamit upang maipakita ang "makulay at maalab" na kasaysayan.

Ibinahagi rin niya ang kaniyang saloobin tungkol sa MCAI. Aniya, matapos man ang teleserye pero mananatiling nasa puso ng bawat Pilipino ang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

"Para sa akin, isang obrang maituturing ang aming palabas. Ito ay siguradong kapupulutang aral, na maipamamana sa mga susunod pang henerasyon. Matapos man ang palabas na ito, ang kultura at kasaysayan natin ay habang buhay na nakatatak sa ating mga puso’t isipan. Ito ang nagpapaalala sa ating mga karapatan bilang tao, at sa ngalan pag-ibig – sa sarili, sa kapwa, at maging sa bayan – tayo ay lumalaban at patuloy na lalaban.

"Hanggang sa muli, ito po ang inyong Maria Clara delos Santos Y Alba, isang maalab na pagpupugay sa kasaysayan ng Pilipinas, salud!"

Samantala, sa comment section, binati siya ng mga kaibigan niya sa showbiz.