Dahil sa sobrang effective ng kaniyang pagiging kontrabida, naranasan na raw ni Dina Bonnevie na matutukan ng baril sa airport at paghahampasin ng payong dahil sa kaniyang kontrabida role sa teleseryeng “May Bukas Pa" noong 2009.

Ibinahagi ng batikang aktres ang karanasan sa kaniyang sit-down interview kay Ogie Diaz na umere noong Pebrero 8.

"Alam mo ba na napalo na ako ng payong?" tanong niya kay Ogie.

Kuwento ni Dina, "Pinaghahampas ako. I went to Davao one time, pero sa telecomms ito. It had nothing to do with showbusiness kumbaga sa telecomms business ko. Landing ako sa Davao sabi nung parang guard doon sa airport, 'Ikaw ba si Malena?', 'Malena? Ah, yung role ko po. Opo, ako po yun', 'Langya ka!' tinutukan ako ng baril. 'Pati bata pinapatulang mo!' sabi ko, 'chief, sandali lang. Role lang po yun.' Armalite yun ah sabi ko lintek naman dahil lang sa role mamamatay pa ako."

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Si Malena ang karakter na ginampanan niya sa teleseryeng "May Bukas Pa" na ipinalabas noong 2009.

"Hindi pa tapos yung niyerbos ko sabi ko, 'My God dito pa mababalitang, kasalukuyang may namatay na isang artista diumano na nabaril sa airport dahil sa kaniyang role.' Baka yun ang nasa radyo," natatawang lahad pa ng aktres. 

Hindi pa raw natatapos doon, pagdating daw niya sa isang mall may nagtanong sa kaniyang matandang babae kung siya raw ba yung nasa TV.

"Sabi ko, 'opo.' Akala ko naman magiging sweet siya. Pinagpapalo ako ng payong. Sabi ko, 'Sandali lang po! Sandali lang po. Bakit po?' Tapos kinawit niya ako ng payong, kinawit niya ako dito sa arm. 'Halika rito, walang hiya ka. Kawawa si Santino sa'yo.' Sabi ko, 'naku, lola. Role lang po yun.' Hanggang sa dumating yung security. 

"Sabi ko, my gosh ayoko na mag-evil role. Akala tuloy ng tao super sama ko talaga. You can get killed, ah. Kumbaga isinasapuso yung role lang," dagdag pa niya. 

Natanong naman ni Ogie si Dina kung minsan ba ay natuwa siya dahil pinaniniwalaan ang karakter niya.

"Well ang nakakatuwa nga doon, if people start to hate you, ibig sabihin you're an effective kontrabida. Kaya sabi nila nung nawala ako sa May Bukas Pa, kasi nga I didn't like yung ending. Sabi ko hindi ko nga kaya yung ending na ganun kasi nga Christian ako. Parang saliwa sa Diyos yung ending na yun. Sila syempre for the views, patayin ang role ko. 

"Pero nakakataba ng puso, after I left marami nagme-message sa Facebook na 'where are you, Ms. D? We miss you! Bakit wala ka na sa ending? Ano nangyari sa character mo? Anong nangyari kay Malena bakit wala ka na' ganyan-ganyan. 'Di ba nakakataba ng puso."