Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang gobyerno nitong Sabado, Peb. 11 na tulungan ang mga lokal na magsasaka at prodyuser sa gitna ng tumataas na inflation at isyung may kinalaman sa smuggling na aniya'y pabigat sa sektor ng agrikultura.

Sa isang ambush interview pagkatapos ng personal na pagtulong sa mga biktima ng sunog sa Quezon City, sinabi ni Go na dapat tiyakin ng mga programa ng gobyerno na mapanatili ng mga lokal na magsasaka at prodyuser ang kanilang competitiveness at patatagin ang kanilang output.

“We need more government support for our local producers, itong mga local farmers. Target po natin na mas maging competitive po ang ating local producers, maging stable po ang production nila,” anang senador.

Sinabi ni Go na ang ordinaryong Pilipino ang pinaka-apektado ng isyu ng pagtaas ng presyo at ang pagsuporta sa lokal na sektor ng agrikultura ay makakatulong sa tuwing haharapin ang nasabing problema.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Umakyat sa 8.7 porsiyento ang inflation sa bansa noong Enero 2023 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa 8.1 porsiyento noong Disyembre 2022.

Ang pinakahuling ulat ay nagpahiwatig na ang pagtaas ay kadalasang hinihimok ng mas mabilis na pagtaas ng upa, tubig, enerhiya, at mga gastos sa pagkain.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang pangunahing priyoridad ng pamahalaan para sa pagbaba ng mga presyo ay kinabibilangan ng pagtaas ng produksyon ng agrikultura, pagpapalawak ng suplay ng pagkain, at pagtiyak ng seguridad sa enerhiya.

Bilang karagdagan sa iba pang potensyal na solusyon, iminungkahi ni Go ang posibilidad na magbigay ng subsidyo sa mga lokal na magsasaka at prodyuser ng agrikultura bilang isang paraan upang masuportahan ang kanilang sektor.

Sa panayam, sinuportahan din ni Go ang paraan ng pagputol ng mga middlemen para mapataas ang kita ng mga magsasaka.

Gayunpaman, kinilala niya na ang pagkakaroon ng middlemen ay maaaring hindi maiiwasan sa sektor dahil sa mga karagdagang serbisyong kailangan sa supply chain.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pagtigil sa agricultural smuggling, na may matinding epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka, habang hinimok ang gobyerno na puntiryahin nga ang smugglers.

Sinabi niya na siya ay patuloy na nagsusulong para sa mas malaking sistema ng suporta sa agrikultura at imprastraktura, gayundin ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga magsasaka sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain.

Si Go ay isa sa mga may-akda ng panukala na naging Republic Act (RA) No. 11901, na nagpapalawak sa sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at rural development.

Mario Casayuran