Makararanas ng katamtamang pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon ngayong Sabado, Pebrero 11, dahil sa northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon bunsod ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.
Samantala, makarararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Visayas, Mindanao, at Palawan dulot ng localized thunderstorms.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.